Wednesday, February 27, 2013

NANG DAHIL SA PAG-IBIG
(DULA)






  MGA PANGUNAHING TAUHAN:
                        Erick
April
Peter

  IBA PANG TAUHAN:
Aling Anna- ina ni April
Mang Pedro-ama ni Erick
Aling Susan-ina ni Erick
MAng Estong-ama ni April
Katulong-katiwala sa bahay nila peter


  PAKSA: Pag-ibig, Kabiguan, Tagumpay at Kasiyahan



TAGAPAGSALAYSAY
           
-Isang maaliwalas na umaga ang sumalubong sa mga kabataan, mga guro, at                                            
  mga magulang dahil ito ang unang araw ng pasukan. Sa gitna ng daan,
habang naglalakad si Erick papuntang paaralan ay may narinig siyang isang      
pamilyar na boses, lumingon siya at nakita niya si April. Lumapit si April kay Erick at kinausap.

APRIL: Erick, hintay!

ERICK: Oh April ikaw ba yan?

APRIL: Ano ba namang klaseng tanong yan, siyempre ako to no.

ERICK: Sinabi ko nga eh, ikaw yan.

APRIL: Hay naku, ikaw talaga puro ka biro.

ERICK: Hindi kasi kita namukhaan eh, paano naman kasi ang ganda-ganda mo na. Dalaga ka na talaga no?

APRIL: Hay naku, parte na naman ba yan ng biro mo?

ERICK: Hoy hindi no, bakit naman kita bibiruhin.

APRIL: Aba  malay ko! Baka mamaya kasi binibiro mo na naman ako.

ERICK: Kung ayaw mong maniwala sa akin eh di huwag.

APRIL: Talagang hindi.


TAGAPAGSALAYSAY:

                -Patuloy pa rin sa paglalakad ang dalawa. Maya-maya pa ay nadatnan nila
ang kanilang kaibigan na si Peter na nakaupo sa harapan ng kanilang   silid-aralan na nag-iisa at tila malalim ang iniisip.

APRIL:     Peter kumusta ka na?

PETER:    Mabuti naman sa awa ng Diyos.

ERICK:    Oh eh bakit nag-iisa ka rito? At tila malalim yata ang iniisip mo ha?

APRIL:    Oo nga, okey ka lang ba talaga?

PETER:   Oo naman.

APRIL:    Sigurado ka?

PETER:   Siyempre ako pa.

ERICK:   Nandiyan na pala si Ma’am, tara na!

PETER AT APRIL:  Sige, tara na.


TAGAPAGSALAYSAY:

                -Pagkatapos ng kanilang klase ay sabay-sabay na kumain ang tatlong
                 magkakaibigan at sabay-sabay na rin silang umuwi sa kani-kanilang taha                                                    
                 -nan. Sa kalagitnaan ng buwan ay ginanap ang nasabing audition para sa  
                 mga estudyante na may kanya-kanyang angking talento. Ito ang tinatawag
                 nilang Naranyag Dance Troup at Naranyag Choral Society. Napabilang sa
                 Naranyag Dance Troup sina April at Peter habang sa Naranyag Choral
                 Society naman napabilang si Erick. Sila ang tatlong magkakaibigan
                 simula pagkabata na puno ng talento. Magaling tumugtog ng gitara si
                 Erick at mahusay ding kumanta, habang pagsasayaw naman ang
                 kinagigiliwang gawin nina April at Peter. Isang araw habang tumutugtog
                 ng gitara si Erick ay umaawit naman ang dalawa……

ERICK:    Pahinga muna tayo.

PETER:    Oh sige, medyo namamaos na rin ako eh.

APRIL:     Pati nga rin ako eh.

ERICK:     Kayo kasi kanta kayo ng kanta eh hindi naman kayo marunong. Bakit
                  hindi na lang kayo sumayaw.

APRIL:    Alam mo ikaw kahit kailan palabiro ka pa rin.

ERICK:    Oh bakit na naman?

PETER:    Pare naman kasi, alangan naman kasing sumasayaw kami habang ikaw tumutugtog ng gitara. Pwede ba yun?

ERICK:     Pwede rin naman yun ah. Kung gugustuhin niyo?

APRIL:      Hay naku tama na nga yan, ang mabuti pa ituloy na natin ang kantahan.

PETER:      Oo nga naman….. Enjoy na lang tayo!

ERICK:      Sige na nga, ano ba kasi ang gusto niyong kantahin?

APRIL AT PETER:  kahit ano pwede…..


TAGAPAGSALAYSAY:
                -At nagpatuloy na nga sila sa kanilang ginagawa. Sa paglipas ng araw at
                  buwan, nalalapit na nga ang kanilang pagtatapos. Dahil dito, unti-unti
                 pang lumalim ang kanilang pagsasamahan,. Sa tagal ng panahong
                 magkakasama sila ay unti-unting nahulog ang loob ni Erick kay April
                 at nahulog din ang loob ni April kay Erick. Sa kabila ng kanilang palihim
                 na pagtitinginan ay may lihim din pa lang pagtingin si Peter kay April.
                 Isang umaga napag-isipan ni Erick na aminin kay April ang kanyang
                 nararamdaman ngunit sa halip na sa seryosong paraan ang pag-amin niya,
                 kabaliktaran ang ginawa nito.


ERICK:   Ang ganda mo talaga.

APRIL:    Yan ka na naman eh………

ERICK:    Oh bakit na naman?

APRIL:      Paano binibiro mo na naman kasi ako eh.

ERICK:     Hindi kaya. Seryoso, maganda ka talaga.

APRIL:      Hay naku, pwede ba tigil-tigilan mo nga ako!

ERICK:     Alam mo sa sobrang  ganda mo eh……….

APRIL:      Oh ano na naman?

ERICK:      Nahulog na yata ang puso ko sayo April. Ang totoo niyan gusto na nga kita eh. (sabay tawa)

APRIL:     Hay naku kahit kailan talaga!

ERICK:     Bakit naman kasi ayaw mong maniwala sa akin?

APRIL:     Sa tingin mo maniniwala ako sayo, eh yan ngang pagsabi mo sa akin na gusto mo ako eh patawa-tawa ka pa.

ERICK:    Seryoso naman ako ah, maganda ka talaga.

APRIL:     Pwede ba huwag mo na akong biruhin.

ERICK:    Ikaw naman eh, seryoso talaga ako.

APRIL:     Itigil na nga natin to.

ERICK:     Kung manliligaw ba ako sa iyo, may pag-asa kayang sagutin mo ako?

APRIL:     Ewan ko sa iyo!

ERICK:     Hayaan mo papatunayan ko sa iyo na totoo ang lahat ng sinasabi ko.

APRIL:     Tama na nga itong usapan na ito!

ERICK:     Basta yung sinabi ko sa iyo, pag-isipan mo ha.

APRIL:      Bahala ka na nga!


TAGAPAGSALAYSAY:
                -Hindi tumigil si Erick na patunayan kay April na mahal niya talaga ito.
                  Habang tumatagal mas nahuhulog din ang loob ni April kay Erick.
                 Hindi nagtagal ay nag-aminan na sa isa’t isa ang dalawa……


ERICK:    Pwede bang manligaw?

APRIL:     At sino naman ang liligawan mo aber?

ERICK:     Ikaw sana kung gusto mo?

APRIL:     Seryoso ka ba sa sinasabi mo?

ERICK:     Oo, bakit hanggang ngayon ba hindi ka pa rin naninniwala sa akin?

APRIL:     Hindi naman sa ganun kaso lang……..

ERICK:     Kaso lang ano?

APRIL:     Hindi kasi ako sigurado kung papayagan ako ng aking mga magulang na magkaroon ng kasintahan.

ERICK:     Kung hindi ka pa handa para ipagtapat ang totoo sa iyong mga magulang na magkakaroon ka na ng kasintahan, okey lang.

APRIL:      Pero paano yun?

ERICK:      Simple lang naman eh, kaso kailangan mong magsinungaling sa mga magulang mo. Kakayanin kaya ng konsensya mo?

APRIL:      Ano pa nga ba ang magagawa ko eh di kakayanin, sa ngalan ng pag-ibig.

ERICK:     Eh di ibig sabihin ba niyan sinasagot mo na ako?

APRIL:      Hindi pa no, eh hindi ka pa nga nanliligaw sa akin eh.

ERICK:     Kung ganon, sisimulan ko na ang panliligaw.

APRIL:      Ikaw ang bahala….


TAGAPAGSALAYSA:
                -Tinuloy-tuloy nga ni Erick ang panliligaw kay April hanggang sa dumating
                  ang pagkakataon na…………


ERICK:     Alam mo mahal na mahal  talaga kita.

APRIL:      Talaga lang ha….

ERICK:      Talaga, mahal na mahal kaya kita.

APRIL:      Ano ba ang nagustuhan mo sa akin at minahal mo ako ng sobra?

ERICK:      Sa totoo lang matagal na kitang gusto, hindi ko nga lang maamin sa iyo kasi hindi naman ako sigurado kung gusto mo rin ako.

APRIL:       Pwes ngayon alam mo na….

ERICK:      Anong ibig mong sabihin?

APRIL:       Sinasagot na kita

ERICK:      Ha, talaga?

APRIL:       Oo, mahal din kita

ERICK:       Mahal na mahal talaga kita.

APRIL:      Higit pa sa akin..

ERICK:      Pwede bang payakap?

APRIL:      Sige na nga…….



TAGAPAGSALAYSAY:
                -Pagkatapos ng araw na iyon, naging opisyal ng magkasintahan ang
                  dalawa. Mahal na mahal ila ang isa’t isa. Sa katunayan may bitiwan
                 silang salita sa isa’t isa na hinding-hindi sila magkakahiwalay at wala ni
                 sino man ang makapaghihiwalay sa kanilang dalawa, tanging kamatayan
                 lamang. At mula noon naging mas matibay pa ang kanilang pag-iibigan.
                 Hanggang sa dumating ang hindi inaasahang pagkakataon, nalaman ni
                 Peter ang tungkol sa kanilang dalawa, labis itong nasaktan kaya naman.....


PETER:   Kumusta na kayo?

APRIL:    Okey lang naman.

PETER:   Isang buwan na lang ano magtatapos na tayo?

ERICK:   Oo nga eh, magkakahiwa-hiwalay na tayo. Paano naman kasi iba-iba ang mga kursong nais nating kunin sa kolehiyo.

APRIL:   Oo nga eh..

ERICK:   Paano ba yan, kailangan na nating mag-ipon para sa pambili ng regalo.

APRIL:   Oo nga pala no.

PETER:   Siyangapala, kumusta na kayo bilang magkasintahan?

APRIL:    Ah eh, paano mo nalaman?

ERICK:    Oo nga? Paano mo nalaman?

PETER:    Sa inyo mismo.

APRIL:     Ha, sa amin?

ERICK:     Paano naman nangyari na sa amin mo nalaman?

PETER:     Kasasabi niyo lang di  ba.

APRIL:      Ang ibig mong sabihin bago mo kami tanungin hindi mo pa talaga alam ang buong ang katotohanan?

PETER:     Tama ka, napansin ko kasi na napakalapit niyo sa isa’t isa kaya naman naghinala na ako.

ERICK:      Pasensya ka na kung hindi namin ipinaalam sa iyo.

APRIL:      Inilihim namin ito dahil alam naman namin na hindi makakabuti sa aming dalawa kung malalaman ng lahat ang tungkol sa amin.

ERICK:     At isa pa, siguradong hindi matutuwa ang mga magulang namin kung sakaling malaman nila ang totoo.

PETER:     Ang ibig niyong sabihin hindi pa alam ng mga magulang  niyo ang totoo?

APRIL:      Hindi pa nga.

ERICK:      May ipapakiusap lang sana kami sa iyo.

PETER:       Ano iyon?

ERICK:       Kung maaari lang sana huwag mo munang sabihin sa kahit na sino ang tungkol sa amin ni April.

APRIL:       Oo nga baka kasi pagkaguluhan kami ng mga tao kung sakaling malaman nila ang totoo.

PETER:      Sige pero hindi ko maipapangako sa inyo na maitatago ko ang lihim na ito hanggang sa kahuli-hulihan.

ERICK:      Huwag kang mag-alala sasabihin din naman namin ang totoo sa tamang panahon.

APRIL:      Humahanap lang kami ng magandang pagkakataon.



TAGAPAGSALAYSAY:
                Hindi napigilan ni Peter ang kanyang sarili ng malaman niya ang totoo.
                Umiyak siya at halos hindi na lumalabas sa kanyang kwarto. Labis siyang
                nasaktan sa nangyari, hindi niya inakalang mangyayari ang lahat ng ito.
                Halos hindi niya lubos maisip na mabibigo ang pag-ibig niya kay April.
                Hindi niya matanggap ang nangyari, hanggang sa dumating ang
                pagkakataon na naisip niya na ipagtapat ang nararamdaman niya kay April.
                Naisip din niya na kung sakali mang mabibigo siya marahil hindi na niya
                mapipigilan ang kanyang sarili na ipagtapat ang totoo sa mga magulang ni
                April. At ito nga ang nangyari……….


PETER:    April pwede ba tayong mag-usap?

APRIL:     Pwede, bakit ano ba ang pag-uusapan natin?

PETER:     Mamaya ko na lang sasabihin.

APRIL:      Sige, pagkatapos na lang ng klase natin tayo mag-usap.

PETER:      Sige, hintayin kita sa tambayan


TAGAPAGSALAYSAY:
                 Pagkatapos nga ng klase ay nagkita ang dalawa sa kanilang tambayan…..


APRIL:    Pasensya ka na kung pinaghintay kita.

PETER:    Okey lang, hindi pa naman ako masyadong matagal dito eh..

APRIL:     Ganun ba, ano nga pala yung pag-uusapan natin?

PETER:    Huwag kang mabibigla sa sasabihin ko ha?

APRIL:     Ano ba kasi yun?

PETER:     Mahal kita April.

APRIL:     Nagbibiro ka ba?

PETER:    Seryoso ako, mahal kita, matagal na hindi ko nga lang maamin sayo ang totoo.

APRIL:     Pero alam mo naman na si Erick ang mahal ko di ba?

PETER:     Oo alam ko, nagbabakasakali lang naman ako eh.

APRIL:     Pasensya ka na talaga, mahal din naman kita eh pero bilang kaibigan lang.

PETER:     Kung sakali bang magkahiwalay kayo ni Erick, mamahalin mo rin ba ako?

APRIL:     Hindi ko alam at isa pa may binitiwan kaming pangako sa isa’t isa na tanging kamatayan lang ang makapaghihiwalay sa amin.

PETER:    Ah, ganun ba.

APRIL:     Pasensya ka na talaga, sana walang magbago sa pagkakaibigan natin, hindi sana makaapekto ang tungkol sa amin ni Erick.

PETER:    Oo naman, matagal na tayong magkakaibigan kaya naman hindi ito basta-bastang mabubuwag.

APRIL:    Salamat naman at naiintindihan mo kami.

PETER:     Siyempre naman kaibigan ko kayo eh..

APRIL:      Sige tayo na baka mahuli pa tayo sa klase natin at mapagalitan pa tayo.

PETER:     Sige tayo na,


TAGAPAGSALAYSAY:
                   -Inamin ni Peter ang kanyang nararamdaman kay April ngunit nabigo ito.
                    Sa sobrang sakit ng nangyari sa kanya ay nagdesisyon siyang aminin ang
                    totoo sa mga magulang ni April. Sa mismong araw ng kanilang
                    pagtatapos, nasa isip na ni Peter na aaminin na niya ito. Kinagabihan,
                    inimbitahan ni Peter sina Erick at April kasama na ang kanilang mga
                    magulang sa kanilang bahay para sa kanyang salo-salo. Patapos na ang
                    handaan ng biglang pumunta si Peter sa harapan……….


APRIL:      Peter saan ka pupunta?

PETER:      May kailangan lang akong sabihin sa lahat.

APRIL:      Ano naman yun?

PETER:      Mas mabuti pa siguro kung pakinggan mo na lang ang sasabihin ko.


TAGAPAGSALAYSAY:
                   -Pumunta na nga si Peter sa harapan upang sabihin sa lahat ang tungkol sa
                     relasyon ni April at Erick…..


PETER:       Mga kaibigan maaari lamang po na magsitahimik tayong lahat may importante lang sana akong sasabihin.


TAGAPAGSALAYSAY:  
                   -At nanahimik na nga ang lahat……….


PETER:      Huwag po sana kayong mabibigla sa sasabihin ko, si Erick at April ay opisyal ng magkasintahan at halos mag-iisang taon na po sila……..



TAGAPAGSALAYSAY:
                   -Nabigla ang lahat sa sinabi ni Peter, lalong-lalo na sina April at Peter,
                    hindi nila lubos maisip na kayang sabihin ni Peter sa lahat ang kanilang            
                    lihim. Nilapitan ni Mang estong at Aling Anna ang dalawa…….

ALING ANNA:      Ano ang ibig sabihin nito?

APRIL:                    Ma wala naman po kaming masamang ginagawa.

MANG ESTONG:   Nagsinungaling kayo sa amin

ERICK:                    Pasensya na po kayo kung nagsinungaling kami sa inyo, wala naman po akong masamang intensyon kay April.

MANG ESTONG:   Kahit ano pa ang sabihin niyo at kahit ano pa ang dahilan niyo, nagsinungaling pa rin kayo sa amin.

ALING ANNA:       At isa pa masyado pa kayong bata para sa mga ganyang bagay. Dapat ang pag-aaral niyo muna ang binibigyan niyo ng halaga.

ERICK:                    Hindi naman po namin pinapabayaan ang pag-aaral namin at isa pa po kahit magkasitahan na kami, alam naman po namin ang mga limitasyon namin.

MANG ESTONG:   Kahit na, hindi ito sapat na dahilan upang magsinungaling kayo sa amin.

APRIL:                     Pero pa……..

MANG ESTONG:    Tapos na ang usapan na ito!

ALING ANNA:        Simula sa araw na ito pinuputol na namin ang namamagitan sa inyong dalawa.

ERICK:                      Ano po ang ibig niyong sabihin?

MANG ESTONG:     Hindi mo ba naiintindihan ang sinabi ng asawa ko, kailangan ko pa bang ulitin? Pinuputol na namin ang ugnayan niyong dalawa. Simula sa araw na ito, hindi na kayo magkasintahan.

APRIL:                       Pero Pa, mahal namin ang isa’t isa.

MANG ESTONG:      Wala ng pero-pero.

ERICK:                       Mawalang galang na po, pero sa tingin ko wala naman po kayong sapat na dahilan para paghiwalayin niyo kami.

MANG ESTONG:     Hindi pa ba sapat ang mga sinabi namin?

APRIL:                       Pa, tama si Erick hindi niyo dapat kami paghiwalayin. Dahil po ba bata pa kami?

ALING ANNA:         Mas kinakampihan mo pa yang lalaking yan kaysa sa amin?

APRIL:                       Hindi naman po sa ganun Ma.

MANG ESTONG:      Ang mabuti pa siguro itigil na natin ito.

ALING ANNA:          Kahit ano pa ang sabihin niyo wala na kayong magagawa pa. Sa Maynila na mag-aaral si April, ilalayo na namin siya sa iyo.

ERICK:                       Nakikiusap po ako sa inyo, huwag niyo po siyang ilayo sa akin.

MANG ESTONG:      Wala ka ng magagawa pa, buo na ang desisyon namin.

APRIL:                        Pero Pa, ayoko pong mag-aral sa Maynila, at higit sa lahat hindi ko po kayang mailayo kay Erick.

ALING ANNA:           Narinig mo ang sinabi ng iyong ama.

MANG ESTONG:       Mabuti pa tapusin na natin ang usapan na ito.

ERICK:                        Aling Anna, Mang Estong parang awa niyo na po.

ALING ANNA:           April halika na umuwi na tayo.

APRIL:                         Pero Ma, Pa……..

MANG ESTONG:        Wala ng pero-pero.


TAGAPAGSALAYSAY:
                    -Umuwi si April kasama ang kanyang mga magulang na may dalang
                     pighati sa kanyang puso’t isipan, ganun din si Erick. Pagkatapos ng
                     isang lingo nakapagdesisyon na nina Mang Estong at Aling Anna na
                     sa Maynila na mag-aaral si April. Sa araw ding iyon sinabi na rin ni
                     Aling Anna at Mang Estong kay April ang kanilang desisyon. Sa
                     sandaling iyon, halos hindi maipaliwanag ang nararamdaman ni April
                     hindi pa alam ni Erick na bukas na ang alis ni April papuntang Maynila.
                     Nakiusap si April sa kanyang mga magulang na bago siya lumuwas ng
                     Maynila nais niya sanang makausap si Erick at para na rin
                     makapagpaalam. Pumayag naman ang kanyang mga magulang na
                     makipag-usap siya kay Erick at para na rin makapagpaalam ng maayos.
                     Nagtungo si April sa bahay nila Erick upang kausapin ito………


APRIL:                    Aling Susan, Mang Pedro, tao po!

ALING SUSAN:     Ikaw pala yan April, pasok ka muna.

APRIL:                    Sige po Aling Susan, marami pong salamat.

ALING SUSAN:     Walang anuman, ano nga pala ang maipaglilingkod ko sa iyo anak?

APRIL:                  Gusto ko ho sanang makausap si Erick.

ALING SUSAN:    Wala siya rito anak may pinuntahan.

APRIL:                    Saan po ba siya nagpunta?

ALING SUSAN:      Ang sabi niya sa akin kanina, pupunta raw siya sa paborito niyang lugar.

APRIL:                     Ganun po ba, sige po mauna na po ako. Hahanapin ko lang siya.

ALING SUSAN:       Sige anak, mag-iingat ka.


TAGAPAGSALAYSAY:
                   -Umalis na nga si April upang puntahan si Erick sa lugar na sinabi ni
                     Aling Susan. Nang sinabi ni Aling Susan kung saan pumunta si Erick
                     isa lang ang lugar na pumasok sa isipan ni April na maaaring puntahan ni
                     Erick, ang kanilang tambayan. Nang pinuntahan ni April ang kanilang
                     tambayan, nadatnan nga niya si Erick na mag-isa at umiiyak.
                     Nilapitan niya ito at kinausap……….


APRIL:      Erick pwede ba tayong mag-usap?

ERICK:      Wala na tayong pag-usapan pa, tapos na ang lahat sa atin di ba?

APRIL:      Sa mata ng mga magulang ko, siguro oo, pero para sa akin tayo pa rin.

ERICK:      Wala na tayong magagawa pa.

APRIL:       May magagawa pa tayo.

ERICK:       Ano? Sabihin mo nga sa akin. Itigil na natin ito, tanggapin na natin ang katotohanan.

APRIL:        At ano sa tingin mo ang katotohanan?   Na hiwalay na tayo, na wala na tayong pag-asang magkabalikan pa?

ERICK:      Oo, iyon naman talaga ang totoo di ba?

APRIL:       Hindi, hindi iyan ang totoo.

ERICK:       Pwede ba huwag na nating pahirapan pa ang ating mga sarili.

APRIL:       Sumusuko ka na ba?

ERICK:      Ano pa ba ang magagawa ko, wala na di ba?

APRIL:       Mahal kita pero hindi mo na yata ako mahal. Sabi mo sa akin na wala ni sino man ang makapaghihiwalay sa ating dalawa, pero bakit ganun, ang bilis mo naman palang sumuko.

ERICK:       Hindi ako sumuko, akala mo ba madali para sa akin na hiwalayan ka ng ganun-ganun na lang?  Masakit para sa akin na hindi kita kayang ipaglaban sa mga magulang mo, na wala man lang akong magawa para pigilan ka sa pag-alis mo. Kung alam mo lang kung gaano kasakit na hindi ko kayang panindigan ang mga pangakong binitiwan ko at hindi ko man lang maipaglaban ang babaeng mahal ko at higit sa lahat hindi ko man lang maprotektahan ang relasyong ginawa at iningatan ko sa mahabang panahon.


TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Niyakap ni Erick si April ng pagkahigpit-higpit……….At sinabing….



APRIL:      Mahal na mahal kita.

ERICK:      Mahal na mahal din kita.

APRIL:      Aalis na pala ako bukas.

ERICK:      Hindi ka na ba talaga magpapapigil?

APRIL:      Gustuhin ko man, pero hindi na pwede…

ERICK:      Kung ganun talagang magkakahiwalay na tayo.

APRIL:       Oo pero kahit malayo tayo sa isa’t isa palagi mong tatandaan na mahal na mahal na kita.

ERICK:       Mahal  na mahal din kita..



TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Kinabukasan, aalis na nga si April papuntang Maynila, gustuhin mang
                   magpaalam ni Erick kay April, hindi niya ito magawa sapagkat naroon
                   ang mga magulang ni April. Education ang kinuhang kurso ni April
                   habang Nursing naman kay Erick. Pareho silang determinado upang
                   makapagtapos sa pag-aaral. Habang sila’y nag-aaral, pareho silang abala
                   kaya naman wala silang oras para sa buhay pag-ibig nila. Pagkalipas ng
                   mahigit na limang taon, nakapagtapos sila sa kanilang pag-aaral at
                   nakapasa sa kani-kanilang kurso. Nakamit nila ang kanilang mga
                   pangarap at naabot ang rurok ng tagumpay. Halos isang taon din ang
                   lumipas mula nang makapagtapos sila ay nagkaroon na rin sila ng
                   kani-kanilang trabaho. Mahigit dalawang taon ding nagtrabaho bilang
                   guro si April sa mismong paaralan kung saan siya nakapagtapos, habang
              si Erick bilang Nurse sa pinakamalaking Hospital sa kanilang lugar.
              Ilang taon din ang lumipas ng inanyayahan si April upang magtrabaho sa
              kanilang lugar. Pumayag siya hibdi dahil gusto niyang makitang muli si
              Erick, dahil gusto niyang magtrabaho at magsilbi sa lugar na kanyang
              kinagisnan. Halos hindi maipaliwanag ang nararamdaman ni April.
              Pagdating ni April sa kanilang lugar, sumalubong sa kanya ang mga
              matatamis na ngiti ng kanyang mga magulang at pati na rin ang mga tao sa
              kanilang lugar. Lumipas ang buwan at ang araw, sa hindi inaasahang
              pagkakataon, muling nagkita si April at Erick……….


ERICK:      Kumusta ka na?

APRIL:      Mabuti naman sa awa ng Diyos, ikaw?

ERICK:      Mabuti rin naman ako.

APRIL:      Ah ganun ba.

ERICK:      Sa sobrang tagal na hindi tayo nagkita, hindi na kita halos makilala.

APRIL:       Ikaw talaga, palabiro ka pa rin.

ERICK:       Eh ikaw rin naman ah, hindi ka pa rin nagbabago, maganda ka pa rin.

APRIL:       Hay naku, ikaw talaga. Sige mauna na ako.

ERICK:      Sabay na tayo.

APRIL:      Sige.


TAGAPAGSALAYSAY:
                 -Mula noon halos araw-araw ng nagsasabay sina Erick at April papunta sa
                  kani-kanilang trabaho. Hindi naglaon, muling nanumbalik ang
                  pagmamahalan nila. Hanggang sa dumating ang pagkakataon na muli
                  nilang inamin sa isa’t isa na………


ERICK:     Alam mo hanggang ngayon mahal pa rin kita.

APRIL:      Ganun din naman ako eh.

ERICK:      Mahal mo pa rin ako?

APRIL:      Oo, hindi ko nga alam kung bakit hanggang ngayon ay mahal pa rin kita

ERICK:      Paano ngayon yan?

APRIL:       Ewan ko sa iyo, ikaw?

ERICK:      Pwede bang tayo na ulit?

APRIL:       Ang bilis mo naman.

ERICK:      Kailangan pa bang manligaw ako ulit?

APRIL:       Sige na nga huwag na, baka may makaagaw pang iba sa iyo.

ERICK:      Hindi ka nga nagkamali sa desisyon mong iyan.


TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Hindi nagtagal, sinabi ni Erick sa mga magulang niya at sa mga magulang
                   ni April ang tungkol sa kanilang dalawa….


APRIL:             Ma, Pa, may sasabihin po sana kami ni Erick sa inyo.

ERICK:             Huwag po sana kayong mabibigla,.

MANG ESTONG:    Ano ba ang sasabihin niyo?

ERICK:                     Kami na po ulit ni April.

ALING ANNA:         Anak sa totoo lang natutuwa kami na muli  kayong nagkabalikan.

ERICK:                      Ibig sabihin po ba niyan pinapayagan niyo na kami.

MANG ESTONG:     Oo naman, nasa tamang edad na kayo kaya wala na kaming karapatan para pakialaman ang buhay pag-ibig niyong dalawa.

ALING ANNA:        Pero isa lang ang masasabi ko, huwag niyo sanang kalimutan ang mga limitasyon niyo bilang magkasintahan.

APRIL:                     Opo Ma, hindi po namin ito kakalimutan.

ERICK:                     Maraming salamat po sa inyo dahil pinakatiwalaan niyo ako.

MANG ESTONG:    Walang anuman, alam naman naming mahal na mahal mo ang anak namin.

ALING ANNA:        Basta huwag mong sasaktan ang anak namin ha?

ERICK:                     Pangako ko po yan Aling Anna, Mang Estong.

MANG ESTONG:    Tanghali na pala, ang mabuti pa kumain ka na dito.

ERICK:                     Huwag na po, nakakahiya naman po sa inyo.

ALING ANNA:        Huwag ka ng mahiya, para ka namang iba sa amin.

APRIL:                      Oo nga naman, bakit kanino ka ba nahihiya?

ERICK:                     Medyo naiilang kasi ako kapag ibang tao ang kasabay kong kumain.

MANG ESTONG:    Bakit iba ba kami sa iyo?
 
ERICK:                     Hindi naman po sa ganun.

MANG ESTONG:    Kung ako sa iyo dapat sanayin mo na ang sarili mo.

ALING ANNA:        Oo nga Erick dahil ngayong magkasintahan na kayo ulit ni April ay madalas ka na naming imbitahan upang kumain dito.

ERICK:                     Sige po.

APRIL:                      Sinabi mo yan hah…

ERICK:                     Oo na nga, basta para sa iyo mahal ko.

ALING ANNA:        Oh tara na, nakahanda na raw ang pagkain.

MANG ESTONG:     Oh ano pa ang hinihintay niyo, tara na!



TAGAPAGSALAYSAY:
                   -Simula ng araw na iyon, mas napalapit nasi Erick sa mga magulang ni
                     April. Kagaya nga ng sinabi ni Aling Anna at Mang Estong kay Erick
                     napapadalas na ngang kumain si Erick sa bahay nila April. Dahil dito
                     mas napalapit ang loob ng mga magulang ni April kay Erick at ganun
                     din naman si April sa mga magulang ni Erick. Magtatatlong taon na
                     bilang magkasintahan sina April at Erick nang………..


ERICK:       Matagal-tagal na rin tayo no?

APRIL:        Oo nga eh, salamat sa Diyos.

ERICK:       Alam mo ang laki ng pasasalamat ko sa mga magulang mo.

APRIL:        Bakit naman?

ERICK:       Kung hindi dahil sa kanila, hindi sana tayo nagtagumpay sa buhay. Dahil sa paghadlang nila sa pag-iibigan natin ng mga magulang mo noon, mas nabigyan natin ng halaga ang edukasyon, nakapagtapos tayo ng pag-aaral at may maayos na trabaho. Ang lahat ng ito ay dahil sa kanila.

APRIL:      Oo nga tama ka.

ERICK:      Naudlot man ang pag-ibigan natin noon, naibalik naman nito ulit ng mas matagal at mas matatag.

APRIL:      Minsan nga naisip ko kung hindi dahil kay Peter hindi sana natin ngayon natatamasa ang buhay na maganda at  kung papaano mabuhay sa mundo na walang problema dahil nakapagtapos na tayo ng pag-aaral at higit sa lahat nakakatulong na tayo sa ating mga magulang.

ERICK:     Nasaan na kaya si Peter ngayon no? Nami-miss ko na rin siya. Simula kasi nang isumbong niya tayo sa mga magulang mo hindi ko na ulit siya nakita.

APRIL:     Ako nga rin eh. Sabi ni mama at papa nasa Amerika raw siya kasama ang kanyang mga magulang.

ERICK:    Ganun ba, eh kumusta na kaya siya ngayon dun?

APRIL:     Okey lang naman daw siya.

ERICK:     Sana makita ulit natin siya no.

APRIL:     Oo nga, miss ko na rin siya.

ERICK:     Nakakamiss din pala yung ugok na yun.

APRIL:     Sana bumalik na siya.

ERICK:    Sana nga para naman maibalik na natin ang dati at naudlot nating pagkakaibigan.

APRIL:    At higit sa lahat para na rin makapagpasalamat tayo sa kanya.

ERICK:    Ako na siguro ang pinakamasayang tao rito sa mundo kung muli siyang bumalik at kung muling mabuo ang pagkakaibigan nating tatlo.

APRIL:     Kailan kaya mangyayari iyon?

ERICK:     Sana nga malapit na.


TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Muling nanumbalik ang alaala ng kahapon pero ganoon pa man wala
                   silang pinagsisisihan sa mga nangyari bagkus nagpapasalamat sila sa
                   Poong Maykapal dahil kung hindi nangyari ang lahat ng iyon hindi sana
                   nila maaabot ang rurok ng tagumpay. Pagkalipas ng ilang buwan
                   napagdesisyunan na ni April at Erick ang magpakasal kaya naman………


ERICK:         Magpakasal na kaya tayo, tutal matagal-tagal na rin naman tayo.

APRIL:         Iyan nga rin ang plano ko.

ERICK:        Kung ganun sabihin na natin sa mga magulang natin.

APRIL:        Oo pero kailan?

ERICK:       Ikaw kung kailan mo gusto.

APRIL:       Siguro kailangan muna nating magplano kung ano ang dapat nating gawin para naman hindi sila mabigla.

ERICK:      Oo nga tama ka.



TAGAPAGSALAYSAY:
                   -Ilang lingo rin nagplano ang magkasintahan para sa mga gagawin nila
                    hanggang sa dumating ang pagkakataon na handa na sila upang sabihin
                    ang plano  nilang pagpapakasal………


APRIL:                   Ma, Pa, huwag po sana kayong magalit at mabibigla sa sasabihin namin sa inyo.

ERICK:                   Kung ano man po ang sasabihin namin ngayon ay pinag-isipan naming mabuti para naman po sa pangarap namin.

MANG ESTONG:      Bakit ano ba iyon?

ERICK:                       Plano na ho sana naming magpakasal ni April sa lalong madaling panahon.

ALING ANNA:          Alam niyo sa totoo lang hindi na kami mabibigla sapagkat alam na namin na darating ang pagkakataon na ito.

MANG ESTONG:      Matagal na naming hinihintay ang pagkakataon na ito, salamat naman sa Diyos at sa wakas napagdesisyunan na rin ninyo ang magpakasal.

APRIL:                       Pa, Ma, ang ibig niyong sabihin desisyon na lang namin ang kulang.


ALING ANNA:         Tama ka anak, kayo na lang ang kulang para mabuo na amg pangarap naming dalawa ng iyong ama.

ERICK:                      Papaani po ba iyan eh di mamamanhikan na po ako?

MANG ESTONG:     Erick kailangan narito rin ang mga magulang mo bago ka mamanhikan.

ERICK:                     Hayaan po ninyo bukas na bukas din isasama ko na po ang mga magulang ko para makapamanhikan na po kami.



TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Kinabukasan nagtungo si Erick kasama ang kanyang mga magulang para
                   mamanhikan………….



ERICK:                   Mang Estong, Aling Anna, kagaya nga po ng sinabi niyo sa akin kagabi isinama ko po ang aking mga magulang upang mamanhikan.

MANG ESTONG:  Paano ba iyan, simulan na ninyo ang pamamanhikan.



TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Isinagawa na nga nila ang pamamanhikan at naging matagumpay naman
                   ito. Ilang buwan din ang lumipas bago matapos ang magpaplano para sa
                   nalalapit na kasal nina April at Erick. Puspusan ang paghahanda nila
                   sapagkat nag-iisang anak ni Mang Estong at Aling Anna si April.
                   Ang paglalakad papuntang altar, isa sa pinakamahalagang parte sa buhay
                   ng isang babae. Ito na siguro ang pinakahihintay at pinapangarap nilang
                   sandali sa kanilang buhay. Kapag nangyari ito sa isang babae , ito na
                   marahil ang pinakamasaya sa kanyang buhay. Sa kabila ng lahat ng ito,
                   mayroong isang tao na gustong makita ni April at Erick bago dumating
                   ang araw ng kanilang kasal. Ito ay walang iba kung hindi si Peter, ang
                   pinakamamahal nilang kaibaigan. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang
                  araw bago ang kasal, dumating si Peter galing Amerika pero walang
                  kaalam-alam sina April at Erick………..


KATULONG:       Sir maligayang pagbabalik!

PETER:                 Maraming salamat po manang.

KATULONG:       Mabuti naman po at naisipan niyong magbakasyon.

PETER:                 Oo nga po eh, miss ko na rin po kasi itong lugar natin.

KATULONG:       Hay naku sir simula noong mawala kayo rito, napakarami ng nagbago.

PETER:                Oo nga po, biruhin niyo napakaganda na dito.

KATULONG:       Naku sir sinabi niyo pa.

PETER:                 Ang bilis po ng panahon ano, parang kailan lang bata pa ako, hindi pa masyadong maunlad at tanyag ang lugar na ito, pero tignan niyo sa isang iglap nabago ang lahat.

KATULONG:      Oo nga po sir, siyanga pala sir sina Erick at Peter ikakasal na po pala.

PETER:                 Kailan po?

KATULONG:       Bukas na po sir.

PETER:                 Ganun po ba.

KATULONG:       Pupunta ba kayo sir?

PETER:                 Hindi ko po alam.

KATULONG:      Di ba sir dati niyo silang kaibigan?

PETER:                Opo pero……..

KATULONG:     Pero ano sir?

PETER:               Mahaba pong kwento eh.

KATULONG:    Sir kung ano man po ang nangyari noon, sigurado ako okey na ang lahat.

PETER:              Paano niyo naman po nasabi iyan?

KATULONG:   Alam niyo po sir kung ano man po ang nangyari sa ating nakaraan, sigurado ako na ang lahat ng iyon ay nangyari sapagkat may dahilan ang Diyos kung bakit niya hinayaang mangyari ang lahat ng iyon sa atin. At isa pa sir ang mga sugat na naiwan sa ating puso ay unti-unting naghihilom sa paglipas ng panahon.

PETER:             Sana nga po, sana.

KATULONG:  Kung ako sa inyo sir, pumunta kayo sa kasal nila bukas. Papaano niyo po  malalaman kung matatanggap pa ba nila kayo bilang kaibigan kung hindi niyo po sila pupuntahan at kakausapin.

PETER:             Tama po kayo manang pero nahihiya po akong humarap sa kanila.

KATULONG:   Naku sir kung kailangan niyong kainin ang pride na iyan, bakit hindi.

PETER:             Titignan ko po manang.

KATULONG:   Sige po sir magpahinga na po kayo, sigurado naman po akong napagod kayo sa biyahe.

PETER:             Oo nga po eh, sige po mauna na po ako.



TAGAPAGSALAYSAY:  
                   -Ang araw sumikat, ito ang araw ng dalawang pinagtaling mga puso, araw
                     na kailan man ay hindi malilimutan, ang araw na napakaespesyal, ito ang
                    araw na kung saan mabubuo ang nawasak na pagkakaibaigan at higit sa
                    lahat ang araw na pinakahihintay ng lahat, ang araw ng kasal nina April
                    at Erick. Abala ang lahat at walang kaalam-alam sina April at Erick na
                    dumating na pala ang taong kanasasabikan nilang makita at mahagkan, si
                    Peter. Bago pa man sumikat ang araw, ang lahat ay naghahanda na sa
                    napakaespesyal na araw. Habang abala ang lahat, pinag-iisipan naman ni
                    Peter kung dadalo siya sa napakahalagang araw ng kanyang mga
                    kaibigan. Ilang oras bago ang kasal, napagdesisyunan na ni Peter na
                    dadalo siya sa kasal ng kanyang mga kaibigan………..


PETER:             Manang pakihanda na po yung pagkain, dadalo po ako sa napakahalagang araw ng aking mga kaibigan.

KATULONG:   Salamat naman po sir at dadalo rin kayo.

PETER:             Ako nga po ang dapat magpasalamat sa inyo eh, salamat po sa mga bawat salitang biniwan niyo sa akin at nakapagbigay linaw sa aking isipan. Tama po kayo, ito na po marahil ang tamang panahon para harapin sila.

KATULONG:  Wala pong anuman sir.

PETER:            Sige po…



TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Namamadaling umalis si Peter upang dumalo sa nasabing kasalang
                    magaganap. Sa loob ng simbahan kung saan ikakasal sina April at Erick
                   ay nandoon si Peter upang salubungin ang kanyang mga kaibigan………



ERICK: Tara na po.

ALING SUSAN:     Sige anak tayo na.

MANG PEDRO:     Oh sige tara na.


TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Nang dumating sina Erick kasama ang kanyang mga magulang sa
                   simbahan, nabigla sila sapagkat ang napakahalagang tao ay nadatnan
                   nila.

ERICK:         Nay, Tay totoo ba itong nakikita ko?

ALING SUSAN:  Oo anak.

MANG PEDRO:   Ano pa ang hinihintay mo anak lapitan mo na siya.

ERICK:       Sige po Tay.



TAGAPAGSALAYSAY:
                  -Linapitan ni Erick ang kanyang kaibigan at kinausap………


ERICK:      Peter…

PETER:      Masaya ako dahil kayo pa rin hanggang sa huli.

ERICK:      Oo nga eh, salamat sa Diyos at sayo.

PETER:      Bakit ka naman nagpapasalamat sa akin? Samantalang ako ang dahilan
kung bakit pinaghiwalay kayo ni Mang Estong at Aling Anna.

ERICK:     Alam mo kung hindi mo ginawa iyon, hindi sana kami aabot sa sitwasyon na ito, at higit sa lahat hindi sana namin nakamit ang aming mga pangarap
at naabot ang rurok ng tagumpay.

PETER:    Ano ang ibig mong sabihin?

ERICK:    Alam mo ikaw ang dahilan kung bakit nagkalayo ang landas namin ni
April at kung bakit naudlot ang aming pagmamahalan, ngunit ang lahat ng
iyon ang naging daan kung bakit kami nakapagtapos ng pag-aaral, kung
bakit naabot namin ang rurok ng tagumpay at kung bakit hanggang ngayon
ay magkasama pa rin kami. Ikaw ang nagsilbing susi upang maabot
namin ang aming mga pangarap. Sayang nga lang, wala ka sa mga araw na
nagtagumpay kami.

PETER:    Okey lang yun, ang importante narito ako upang saksihan ang
pinakaimportanteng pangyayari sa inyong buhay.

ERICK:    Oo tama ka, muli, maraming salamat.

PETER:    Maraming salamat din sa inyo dahil tinanggap niyo pa rin ako bilang
kaibigan niyo sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi niyo ako kinalimutan.

ERICK:    Ganun din naman kami, salamat sa Diyos dahil pinaunlakan niya ang
aming dasal.

PETER:    Ano ang ibig mong sabihin?

ERICK:    Kung alam mo lang sana, isa ka sa pinakamahalagang tao sa aming buhay.
Mahal na mahal ka namin Peter.

PETER:   Ganun din naman ako sa inyo eh. Mananatili tayong magkakaibigan kahit
ano pa man ang mangyari.

ERICK:   Parating narin siguro si April.

PETER:   Pagkatapos nalang ng kasal ko siya kakausapin,


TAGAPAGSALAYSAY:
                 -Ilang sandali pa ay dumating na rin si April. Kagaya ni Erick, nabigla rin
          siya sa kanyang nakita. Nang matapos ang kasal muling nag-usap-usap ang
magkakaibigan……..


PETER:      Binabati ko kayong dalawa!

APRIL:      Maraming salamat sa pagdalo mo sa aming kasal.

ERICK:     Muli, maraming salamat aming kaibigan.

PETER:     Walang anuman.

APRIL:     Pasensya ka na sa mga nangyari.

PETER:     Ako ang dapat humingi ng pasensya sa inyo.

ERICK:    Wala kang dapat ihingi ng tawad dahil ang lahat ng nangyari ay plano ng
Diyos para sa ating ikabubuti.

APRIL:    Tama ka.

PETER:    Ang mabuti pa kumain na tayo, gutom na kasi ako eh……..

APRIL:    Mabuti pa nga.



TAGAPAGSALAYSAY:
                 -Pagkatapos ng pag-uusap ay muling nabuo ang kanilang pagkakaibigan.
                  Nang dahil sa pag-ibig, marami tayong nararanasan. Nang dahil sa
pag-ibig nararanasan nating mabigo, magtagumpay, at higit sa lahat
nararanasan nating maging masaya. Palagi nating tatandaan na kahit ano
pa man ang nangyari kahapon, ito ay  isang pagsubok lamang ng ating
Poong Maykapal. Magsilbi sana itong aral sa atin upang sa susunod na
makaharap ulit tayo ng pagsubok o hamon ng buhay ay alam na natin ang
ating gagawin. Kung sakali mang matumba tayo ay huwag sana nating
kalilimutang tumayo. Palagi rin nating tatandaan na kung wala tayong
makakaharap na pagsubok o hamon ng buhay ay hindi magiging maganda
ang takbo ng ating buhay at mawawalan ito ng saysay. Kasunod ng
pagtupad natin sa ating mga pangarap ay mga pagsubok na ating
kakaharapin at susubok sa ating kakayahan hinggil sa ating mga pangarap.
Ito ang magsisilbing daan upang sa ganun ay mas maging matatag tayo
patungo sa rurok ng tagumpay.





(….at dito na nga nagtatapos ang kwento ng tatlong magkakaibigan….. abangan ninyo ang mga susunod pang kabanata sa buhay nina April, Peter,at Erick….  Abangan niyo rin kung sino ang magpapatibok sa puso ni Peter…. Hanggang sa muli mahal kong mga mambabasa…..)











                                                                                                                                               

   

                                                      

1 comment: